Nanindigan ang kampo ni Edu Manzano na hindi pa pinal ang desisyon ng second division ng Commission on Elections (COMELEC) na kanselahin ang kanyang certificate of candidacy (COC) bilang kinatawan ng lone district ng San Juan City.
Sa press conference kanina na siyang unang beses na nagkomento mismo ang 63-year-old actor, nakikita raw nito na politika ang nasa likod ng pagkansela sa kanyang COC.
Kaugnay nito, maghahain na sila ng motion for reconsideration para iapela ang kaso bukas oa kaya ay sa Biyernes.
Una rito, batay sa 15-pahinang desisyong nilagdaan ni COMELEC Commissioner Luie Guia, lumalabas na hindi pa raw Pilipino si Manzano noong panahong inihain nito ang kanyang kandidatura.
Hindi pa raw kasi rehistrado ang oath of allegiance ni Manzano sa local civil registry kung saan ito kasalukuyang naninirahan.
Una nang kinuwestiyon ang pagkandidato ni Manzano dahil wala raw itong ebisensyang magpapatunay na nakatala ito sa civil registry kung saan ito nakatira.