Nananatili umano na ang sektor ng edukasyon ang may pinakamalaking badyet sa ilalim ng niratipikang 2025 national budget taliwas sa pahayag na naungusan na ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun na patuloy ang education sector ang may pinakamalaking pondo sa ilalim ng 2025 General Appropriations Bill at mas mataas ito ng P22 bilyon sa DPWH.
“Base sa ating datos at figures sa 2025 national budget, malinaw na ang edukasyon pa rin ang may pinakamataas na pondo kumpara sa DPWH. Hindi totoo ang sinasabing mas malaki ang budget ng DPWH kaysa sa edukasyon,” ani Khonghun.
“Fake news po ang kumakalat na paninira sa Kongreso. Hindi totoo na mas malaki ang budget ng DPWH kaysa sa edukasyon sa ating national budget,” dagdag pa nito.
Ayon sa opisyal na datos, sinabi ni Khonghun na ang kabuuang budget ng education sector ay P1.055 trilyon samantalang ang budget ng DPWH ay P1.033 trilyon.
Ang pondo para sa sektor ng edukasyon ay nakalagay sa sumusunod:
- Department of Education (DepEd): P782.17 bilyon
- Commission on Higher Education (CHED): P34.88 bilyon
- State Universities and Colleges (SUCs): P127.23 bilyon
- Technical Education and Skills Development Authority (TESDA): P20.97 bilyon
- Local Government Academy (LGA): P529.24 milyon
- Philippine National Police Academy (PNPA): P1.37 bilyon
- Philippine Public Safety College (PPSC): P994.3 milyon
- National Defense College of the Philippines (NDCP): P334.64 milyon
- Philippine Military Academy (PMA): P1.76 bilyon
- Philippine Science High School (PSHS) System: P2.80 bilyon
- Science Education Institute (SEI): P7.49 bilyon.
Mayroon din umanong pondo para sa imprastraktura sa edukasyon na nagkakahalaga ng P14.76 bilyon at salary differential alinsunod sa Executive Order No. 64 na nagkakahalaga ng P60.59 bilyon kaya ang kabuuang education budget ay P1.055 trilyon.
Sa orihinal na budget ng DPWH na P1.114 trilyon ay P82 bilyon ang convergence projects. Kapag isama umano ang P1.2 bilyon para sa salary differential alinsunod sa E.O. No. 64, ang kabuuang badyet ng DPWH ay P1.033 trilyon.
“Malinaw po na hindi pinapabayaan ng administrasyon ang edukasyon. Pinakamalaki pa rin ang alokasyon para sa edukasyon dahil ito ang pundasyon ng ating kinabukasan,” paliwanag ni Khonghun.
“Ang budget na ito ay tutugon sa mga pangangailangan ng ating mga estudyante, guro at imprastruktura para sa kalidad na edukasyon,” dagdag pa nito.
Iginiit ni Khonghun na nananatiling prayoridad ang edukasyon alinsunod sa Konstitusyon.
“The education sector’s funding will address critical gaps in classrooms, learning materials and teacher support, habang patuloy nating pinapaganda ang kalidad ng edukasyon sa bansa,” wika pa ni Khonghun.
“Hindi po natin binabalewala ang pangangailangan sa imprastruktura. Ngunit sa ilalim ng 2025 budget, malinaw na edukasyon pa rin ang may pangunahing pondo,” giit pa nito.
Nagpahayag ng kumpiyansa si Khonghun sa kakayanan ni Education Secretary Sonny Angara na magastos ng tama ang pondo ng ahensya.