-- Advertisements --

NAGA CITY – Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Naga ang educational assistance para sa mga naulilang mga anak ng mga pulis na walang habas na pinaslang sa nasabing lungsod.

Mababatid na noong Sabado ng gabi, Oktubre 16, 2021 nang pagbabarilin-patay ng suspek na si Jericho Cano sina PCMsgt. Romeo Padua at PCpl. Christian Juarez Del Valle.

Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Naga City Mayor Nelson Legacion, sinabi nito na mas importante ngayon ang magiging kinabukasan ng mga bata.

Ang naturang asistensiya umano ay maliban pa sa ibibigay na tulong para sa magiging libing ng nasabing mga biktima.

Samantala, maituturing na rin aniya na case closed ang karumal-dumal na krimen matapos na mapatay din ang suspek na nanlaban sa isinagawang hot pursuit operation ng mga otoridad.

Pinaniniwalaan din na nagawa lamang ito ni Cano dahil sa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot.

Sa ngayon, ipinaabot din ng alkalde ang kaniyang pakikiramay sa “untimely death” ng dalawang tauhan ng PNP.