-- Advertisements --

Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maitaas pa sa P1 billion ang pondo para sa ibinibigay na educational financial assistance para mas marami pang mga indigent student ang matulungan.

Ito ay dahil na rin sa hindi inaasahang pagdagsa ng mga indigent na mga estudyante o ng kanilang mga magulang sa mga tanggapan ng DSWD para kumuha ng financial assistance

Ayon kay DSWD Sec. Erwin Tulfo, nakita aniya na maraming kababayan ang naghihikahos at nangangailangan ng tulong dahil na rin marahil sa epekto ng COVID-19 pandemic kung kaya’t balak ng ahensiya na dagdagan pa ng P500 million ang pondo para sa Assistance for Individuals in Crisis Situations.

Bagamat hindi na tinukoy pa ng kalihim ang projected beneficiaries sa naturang programa subalit sa nakalipas na pamamahagi ng educational aid ng ahensiya, limitado lamang ito para sa partikular na sektor gaya ng mga anak ng overseas Filipino workers at solo parents kung saan nasa P200 million hanggang P300 million ang pondo.

Samantala, umabot sa mahigit 53,000 indigent students ang nakatanggap ng educational aid mula sa gobyerno bago ang pagsisimula ng klase ngayong araw.

Nasa P154 million ang naipamahaging educational aid sa buong bansa.

Tiniyak naman ng kalihim ang pag-recalibrate ng istratehiya para mas maayos na maipamahagi ang naturang aid katuwang ang mga DSWD regional directors at Department of Interior and Local Government.