
MANILA – Inamin ng isang health expert na nananatiling mataas ang efficacy rate ng COVID-19 vaccines laban sa mga variants ng coronavirus disease.
Ayon kay Dr. Rontgene Solante, miyembro ng Department of Science and Technology – Vaccine Expert Panel, lumabas sa mga pag-aaral na pare-pareho pa ring nasa higit 50% ang bisa ng mga bakuna laban sa COVID-19 variants.
Halimbawa, ang Pfizer vaccines ay may 86% efficacy rate laban sa B.1.1.7 o tinaguriang UK variant. 74% naman ang sa AstraZeneca, Janssen, at Moderna. Ang naturang datos ay galing sa pag-aaral na ginawa sa United Kingdom at Israel.
Kung panlaban naman sa B.1.351 o South African variant, lumabas sa pag-aaral sa Qatar na nasa 75% ang efficacy rate ng Pfizer vaccine, habang 52% ang bisa ng Janssen at AstraZeneca vaccines.
Pagdating naman sa B.1.617.2 o Indian variant, 88% ang efficacy ng Pfizer vaccines, at 62% ang bakuna ng AstraZeneca.
“Yung sa Brazilian variant (P.1, P.2) wala pa tayo masyadong data dito, although may press release ang Sinovac sa isang province ng Brazil na 80% ang nakita nilang protection against those individuals na may Brazilian variant.”
“Nakitaan doon sa lab experiment na ang South Africa variant na medyo mataas ang makabawas (ng efficacy) sa mga bakunang ginagamit.”
Una nang sinabi ng World Health Organization na maituturing na ligtas at mabisang panlaban sa sakit ang mga bakunang may higit 50% na efficacy rate.
Ibig sabihin, mabisa pa rin ang mga ito laban sa pinakamalalang antas ng COVID-19 infection at banta ng pagkamatay.
“Itong mga bakuna na nandito sa Pilipinas ay may FDA approval at may evaluation from VEP na ito ay ligtas at effective… napaka-importante na hindi natin isipin itong mga vaccine brand, ang isipin natin ay maprotektahan tayo sa mga variant na ito.”