Usap-usapan ngayon si billiards legend Efren “Bata” Reyes matapos umano itong arestuhin dahil sa paglalaro nito ng bilyar kahit na ipinagbabawal ito ng pamahalaan bunsod ng COVID-19 pandemic.
Ilang mga videos na kumalat sa social ang nagpapakita na kinumpiska ng mga pulis at local barangay officials sa lungsod ng San Pedro, Laguna ang mga billiard equipment at hinuli si Reyes na naglalarong walang suot na face mask.
Ayon sa mga pulis, wala raw permit ang ginanap na laro.
Batay sa audio ng video, dinala si Reyes at iba pang players, organizers at spectators ng pool game sa barangay hall bunsod paglabag sa quarantine protocols.
Pinakawalan naman si Reyes at hindi na rin ito kinasuhan. Inabisuhan na lamang din ito ng mga otoridad na umuwi na lamang.
Tulad ng ilan pang sports, hindi pa rin pinapahintulutan ng Inter-Agency Task Force ang paglalaro ng billiards.
At dahil 66-anyos na si Bata, hindi rin ito pinapayagang lumabas ng tahanan puwera na lamang kung talagang kailangan.