-- Advertisements --

Palalakasin pa umano ng Tropical Depression Egay ang hanging Habagat, na magdadala ng mga pag-ulan sa Metro Manila, Ilocos at sa apat pang mga lugar sa bansa.

Ayon sa Pagasa, mararamdaman din ang monsoon rains sa Mimaropa, Calabarzon, Zambales, at Bataan.

Posible umanong magkaroon ng flash floods o pagguho ng lupa sa ilang mga area dahil sa kalat-kalat na mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan.

Habang sa nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas ay makararanas ng maulap na kalangitan na maaaring magkaroon ng kalat-kalat na mga pag-ulan, pagkulog, at pagkidlat.

Sa Mindanao naman na hindi maaapektuhan ng nasabing sama ng panahon, ay magkakaroon lamang ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan.

Huling namataan ang sentro ng bagyong Egay sa layong 810 kilometers silangan ng Daet, Camarines Norte.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kph at pagbugsong papalo sa 65 kph.

Kumikilos si Egay sa direksyong kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 15 kph.

Inaasahang lalabas si Egay sa Philippine Area of Responsibility sa Martes ng gabi o Miyerkules ng umaga.

Samantala, namataan din ng weather bureau ang isang shallow low pressure area sa layong 590 kms kanluran ng lungsod ng Laoag.

Bagama’t hindi inaasahang magiging bagyo ang nasabing LPA, tutulong naman ito upang mapalakas pa ang southwest monsoon.