Inaabangan ngayon ang engrandeng homecoming ni world’s No. 3 pole vaulter Ernest John Obiena sa University of Sto. Tomas (UST) sa lungsod ng Maynila sa araw ng bukas, Huwebes.
Ang Pinoy Olympian ay nakatakdang dumating sa UST alas-10:00 ng umaga na sasalubungin sa pangunguna ng mga opisyal at estudyante ng unibersidad.
Dagdag dito, ang nasabing homecoming ni EJ ay magkakaroon ng photo opportunity, courtesy call kasama ang mga opisyal, testimonial program at press conference na gaganapin sa loob ng UST.
Una rito si Obiena ay nasa Electronics Engineering program sa University of Sto. Tomas at kasalukuyang naka-leave para sa kanyang mga trainings sa ibang bansa para sa paghahanda sa kanyang mga susunod pang laban.
Ang pagbibigay tribute kay Obiena ng kanyang alma mater ay kasunod na rin ng pagbibigay niya ng maraming karangalan sa Pilipinas, kung saan kamakailan lamang ay namayagpag siya ng husto sa mga torneyo sa Europa dala ang bandila ng Pilipinas. (with reports from Bombo Allaiza Eclarinal)