Bumaba ang ranking ni Filipino pole vaulter at Olympian EJ Obiena.
Mula sa dating pagiging world no. 3 ay bumaba na siya sa pang-apat na pwesto matapos maungusan ni Greek Olympian Emmanouil Karalis.
Batay sa bagong men’s pole vault world rankings, nakakuha lamang si Obiena ng 1,409 points habang si Karalis ay nagbulsa ng 1,426 points.
Nananatili namang nangunguna ang Swedish star na si Armand Duplantis hawak ang 1,625 points, habang pangalawa ang American pole vaulter na si Sam Kendricks, hawak ang 1,453 points.
Maaalalang ito rin ang pagkakasunod ng apat na player noong 2024 Paris Olympics. Sa men’s pole vault category kasi ay naibulsa ni Duplantis ang gintong medalya; naiuwi ni Kendricks ang silver, habang bronze kay Karalis.
Nabigo namang mag-uwi ng medalya si Obiena at naabot lamang niya ang ika-apat na pwesto sa pinakamalaking sporting event sa buong mundo.