Inirekomenda ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na i-expelled na ang Olympic pole vaulter na si EJ Obiena.
Ang pagtanggal kay Obiena ay bilang miyembro ng National Training Pool of Athletes ng PATAFA.
Ayon daw sa findings ng PATAFA pinakakasuhan din nila ng criminal complaint si Obiena dahil sa isyu ng P360,000 na hindi umano na-turn over sa kanyang coach.
Ang naturang halaga ay mula sa May 2018 hanggang August 2018.
Tinukoy din ng PATAFA ang humigit kumulang na mahigit P3.6 million na ini-release sa kanya ng asosasyon at ng Philippine Sports Commission (PSC) ay hindi naibayad sa kanyang coach na si Vitaliy Petrov.
Isinama rin ng PATAFA sa rekomendasyon na pinakakasuhan ang ina ni EJ na si Jeanette Obiena na dating accountant ng asosasyon na siyang namamahala sa tinatanggap na pera ng atleta.
Samantala, irereklamo rin umano ng PATAFA sa World Athletics ang Ukrainian legendary coach ni EJ na si Petrov dahil sa umano’y pagsisinungaling at paglabag sa Code of Conduct.
Nakatakda namang isumite ng PATAFA ang kanilang rekomendasyon sa PSC, Commission on Audit (CoA) at sa Philippine Olympic Committee (POC).
Ang naturang rekomendasyon ng PATAFA ay gumulat din sa sports sector sa bansa lalo na at nasa Europa ngayon si EJ at bago lang kinilala ng World Athletics bilang number 3 na pole vaulter sa buong mundo.
Una na ring itinanggi ni EJ ang alegasyon sa kanya ng PATAFA na may anomalya sa pondo para sa kanyang coach.