-- Advertisements --

Makakatunggali ni EJ Obiena ang ilan sa mga pinakamagagaling na atleta sa Pole Vaulters sa 2025 Mondo Classic na gaganapin sa IFU Arena sa Uppsala, Sweden, sa Huwebes, Marso 13.

Pangungunahan ng elite pole vaulters na si world record holder Mondo Duplantis ang naturang kumpetisyon.

Samantala ito na ang huling indoor event ni Obiena bago ang kanyang paghahanda para sa outdoor season, kung saan makikilahok siya sa tatlong kumpetisyon tulad ng Asian Championships sa Gumi, South Korea na gaganapin sa Mayo 21 hanggang 31, World Outdoor Championships sa Tokyo, Japan, mula Setyembre 13 hanggang 21, at ang Southeast Asian Games sa Bangkok, Thailand na gaganapin sa Disyembre 7 hanggang 19.

Umaasa naman si Obiena na makakakuha pa ng isa pang pagkakataon para makapag-podium sa Mondo Classic, matapos manalo ng bronze medal noong nakaraang taon sa kaniyang countback na may markang 5.91 meters.

Ang Mondo Classic ay itinuturing ding isang mahalagang kaganapan bilang paghahanda para sa World Indoor Championships na gaganapin sa Nanjing, China sa Marso 21 hanggang 23.

Ngunit hindi pumasok si Obiena sa World Indoor Championships dahil hindi niya nakuha ang 5.85-meter qualifying standard sa loob ng qualifying period. Ito ay dahil mas pinili niyang magpahinga mula sa kanyang natamong injury sa likod na nakuha niya habang nag-eehersisyo para sa Paris Olympics noong nakaraang taon.