Pasok na ang dating Pinoy Olympian na si EJ Obiena sa gaganaping dalawang world championships ngayong taon matapos na magkampeon nitong nakalipas na linggo sa Orlen Cup 2022 sa bansang Poland.
Ang 5.81-meter vault na nagawa ni Obiena ay nagbigay sa kanya ng gold medal at mag-qualify sa World Indoor Athletics Championships na gaganapin sa Belgrade mula March 18 hanggang March 20.
Liban nito, tutungo rin si Obiena sa World Athletics Championships na isasagawa naman sa July 15 hanggang July 24 sa Eugene, Oregon.
Kapag nagkataon ito na ang second appearance ni EJ sa World Championships makaraan ang debut niya noon pang taong 2019 sa Doha, Qatar kung saan siya pumwesto sa pang-15.
Habang sa World Indoors naman sa Belgrade sa Serbia ay ang una niyang paglahok.
Para kay Obiena tuloy lamang daw siya sa kanyang mga laban sa kabila ng dinanas niyang malaking iskandalo at makaaway pa ang kanyang mother federation na Philippine Athletics Track and Field Association dahil sa isyu ng pondo.
Sa darating na Biyernes ay lalaban muli si Obiena sa Lievin, France para naman sa tinaguriang torneyo na Meeting Hauts-De-France.