Nagkampeon ang kontrobersiyal na Pinoy Olympian na si EJ Obiena sa katatapos lamang na Orlen Cup 2022 na ginanap sa Lodz, Poland.
Nanguna si Obiena matapos na ma-clear niya at matagumpay na matalon ang 5.81 meters.
Ito ang kanyang unang titulo ngayong taon makaraan ang ilang serye ng kanyang paglahok sa mga kompetisyon sa Germany at Sweden kung saan nabigo siyang malampasan ang 5.81 meters.
Gayunman sa pagkakataong ito, hindi na pinaporma ng Pinoy athlete ang mga karibal na si dating Olympic champion Thiago Braz ng Brazil at ang pambato ng Poland na si Piotr Lisek na kapwa umabot lamang sa 5.71 meters ang nalagpasan sa pole vault.
Umabot sa pitong mga atleta ang lumahok sa nabanggit na kompetisyon.
Samantala ang sunod na lalahukan na event ni Obiena ay sa Lievin, France.
Kung maalala nito lamang nakalipas na ilang linggo ay nakibahagi pa siya sa pamamagitan ng virtual hearing ng Senado sa isyu ng umano’y pagkabigo niyang ma-liquidate ang milyong pisong pondo na budget para sa kanyang dayuhang coach.
Una na siyang tinanggal ng PATAFA bilang national athlete pero kinampihan siya ng Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission at ilang opisyal ng Malacanang.