LAOAG CITY – Pormal nang inilunsad ang pole vault pit sa Ferdinand E. Marcos Stadium dito sa lungsod ng Laoag, lalawigan ng Ilocos Norte.
Pinangunahan mismo ni Olympian Pole Vaulter EJ Obiena at Gov. Matthew Marcos Manotoc ang naturang seremonya.
Ito ang kauna-unahang naitayong pole vaulting facility na inilunsad ng isang Olympian Pole Vaulter dito sa bansa.
Ayon sa Olympian pole vaulter na layunin ng pagtatayo ng pasilidad na ito ay para suportohan at sanayin ang mga batang atleta at homegrown talents sa larangan ng pole vaulting.
Binigyang-diin niya na ang pasilidad ay magsisilbing mahalagang hakbang upang maging globally competitive ang mga atletang Pilipino sa anumang larangan ng sports.
Maliban dito, layunin din niyang mag-recruit ng mga batang atleta upang mabigyan sila ng pagkakataong magdala ng karangalan para sa bansang Pilipinas.
Ipinaliwanag niya rin kung bakit pinili niyang itayo ang pole vault pit dito sa lalawigan ng Ilocos Norte dahil may potensyal na magtaguyod ng sports ang lalawigan at may mga atleta na may kakayahang maging magaling na pole vaulters pati na rin ang mga interesado na maging coach.
Samantala, umaasa si Obiena na magkakaroon ng mga atletang magmumula rito sa Ilocos Norte na hindi lamang sasabak sa Palarong Pambansa kundi pati na rin sa mga international competitions.