-- Advertisements --

Iminungkahi ni Senador JV Ejercito sa Philippine National Police (PNP) at provincial government na maglagay na ng permanenteng substation at checkpoint sa Marilaque highway. 

Ang pahayag ni Ejercito ay kasunod ng mga aksidente sa lugar kung saan ang huling aksidente ay ang pagkasawi ng isang motovlogger matapos makabangga ang isa pang rider habang nakikipagkarerahan at nagsagawa pa ng stunt na “Superman ride” sa main highway.

Ayon sa senador, dapat regular nang magbantay ang Highway Patrol Group sa Marilaque Highway dahil kapag nagbabantay ang mga ito ay tumitino ang mga rider. 

Umaasa ang senador na mawala na ang mga rider na nagpapaligsahan at nagkakarerahan sa main highway dahil nasasayang ang magandang lugar. 

Nadidismaya ang senador sa mga nangyayaring aksidente sa Marilaque dahil ang lugar ay itinuturing ngayon na number 1 tourist spot na dinarayo ng maraming turista at mga namamasyal.

Magkakasa naman si Ejercito ng motorcade sa Marilaque sa darating na linggo na dadaluhan ng mga kilalang motorcycle riders, ilang personalidad, mga motorcycle riders organizations, at PNP.