Hindi nawawalan ng pagasa ang Commission on Human Rights (CHR) sa posibilidad na tanggapin ng pamahalaan ang pagsusuri ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa mga kaso ng pagpatay sa bansa kaugnay ng war on drugs campaign.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni CHR spokesperson Atty. Jacqueline de Guia na magandang pagkakataon ito para sa pamahalaan na depensahan ang kampanya na nakatawag na sa atensyon ng buong mundo.
“Sana wag itapon ng pamahalaan yung pagkakataon na ihayag yung kanilang panig, because that is a recognition of their right to due process, and to be heard.”
“Gusto natin na mayroon din silang masabi, at mapakinggan din sila sa usapin na ito. In the same way na kakausapin din ang iba’t-ibang mga sektor kasama na yung alleged victims and witnesses.”
Ipinaliwanag ng tagapagsalita ang gagawing pagsusuri ng UNHRC na malayo raw sa tila kinatatakutang imbestigasyon ng mga opisyal.
“Hindi investigation yung isasagawa ng OH CHR (Office of the United Nations High Commissioner for Human Rights), kumbaga they are directed to make a report. Tapos yung report na yan, there can be several possibilities.”
“Maaaring magkaroon ng mission yung mga tauhan ng OH CHR sa Pilipinas. Makikipagusap sila sa iba’t-ibang sektor, kasama na ang pamahalaan.”
Ayon kay De Guia, mahalagang mabigyan ng pagkakataon ang UN na masilip ang mga numero ng patayan para makita kung ano ang tunay na sitwasyon at naidudulot ng nasabing kampanya.
Lumabas kasi datos ng PNP na nasa 6,600 ang bilang ng mga namatay sa war on drugs campaign ng gobyerno mula Hunyo 2016.
Pero ito ay tanging mga suspek na napatay sa gitna ng police operations matapos umanong manlaban.
Hiwalay pa ang bilang ng mga sinasabing biktima ng vigilante o extrajudicial killings (EJK).