-- Advertisements --

Maaaring umapela ng bayad-pinsala mula sa International Criminal Court (ICC) ang mga biktima ng extra-judicial killings noong panahon ng madugong war on drugs .

Ayon kay ICC-accredited lawyer Atty. Joel Butuyan, mayroong tinatawag na “reparation stage” para sa mga biktima sa oras na naabot na ang conviction kung saan maaaring ipresenta ng mga biktima ang mga ebidensiya sa pinsalang kanilang dinanas.

Ipinaliwanag ni Atty. Butuyan na kukunin ang ibibigay na bayad-pinsala mula sa recoverable assets ng akusado at mayroon din aniyang remedyo para sa pag-freeze sa mga ari-arian ng akusado habang nagpapatuloy ang paglilitis.

Maaari lang aniyang maghain ang mga EJK victims para sa pag-freeze ng assets ni dating Pangulong Rodrigo Duterte pagkatapos ng kumpirmasyon ng kaniyang mga kaso na itinakda sa Setyembre 23 at hindi pa ngayon dahil hindi pa kumpirmado ang mga kaso laban sa dating Pangulo.

Sakali naman na walang marekober na assets mula sa akusado, mayroong trust funds ang ICC para sa reparations.

Subalit, huwag aniyang asahan na malaki ang halagang matatanggap dahil maaaring ang ibibigay na bayad-pinsala ay pangkabuhayang negosyo o aktibidad at hindi lamang limitado sa monetary damages.

Maliban dito, maaari ding magbigay ang international tribunal ng psychological support at iba pang assistance upang matulungan ang mga apektadong pamilya na muling makabangon sa kanilang buhay kasunod ng mga krimeng nagawa sa kanila.