Nanindigan ang Malacañang na hindi na umano kakayanin pa ng Pilipinas na palawigin pa ang umiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at ilan pang mga kalapit na lalawigan bunsod ng epekto nito sa ekonomiya.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pagsailalim ulit sa Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite, at Rizal sa MECQ ay kompromiso sa panawagang “timeout” ng mga medical professionals, at oportunidad na rin para sa pamahalaan na paigtingin ang istratehiya laban sa COVID-19.
“Tatapatin ko na po kayo na hindi na po kaya ng ekonomiya ang mas matagalan pang lockdown Lalabas po ang pigura ng second quarter GDP (growth domestic product) growth natin, napakatindi po ng ibinaba ng ating ekonomiya,” wika ni Roque.
“Mahirap na mahirap na po ang mangyayari sa ating ekonomiya kung magla-lockdown tayo muli,” dagdag nito.
Bumaba ng 0.2% ang ekonomiya ng bansa mula Enero hanggang Marso, na kauna-unahang pagkakataon mula noong 1998, bunsod ng epekto ng COVID-19.
Nangangamba ang mga opisyal na posibleng sumadsad pa ang GDP sa second quarter dahil saklaw nito ang karamihan sa oras na ipinatupad ang mga lockdown.
Inamin din ni Roque na naghahanap pa ng paraan ang gobyerno para makapagbigay ng ayuda sa mga mahihirap na pamilya na isinailalim uli sa mas striktong lockdown.
“Ang problema po ngayon sa 2 linggo na lockdown, saan po makakakuha ng ayuda dahil nga po wala nang batas naipasa ang Kongreso, sana po maihabol ‘yan sa Bayanihan 2,” ani Roque.
“Hindi po ganun kadali ang desisyon na mag-lockdown. Ang nais lang po natin ngayon talaga ay ingatan po natin ang ating kalusugan para tayo ay makapaghanapbuhay.”