-- Advertisements --

Inaasahang bibilis pa ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa mahigit 6% ngayong 2025 maging sa 2026.

Ito ay base na rin sa projection ni Department of Finance Secretary Ralph Recto at International Monetary Fund (IMF).

Kumpiyansa ang Finance Secretary na mauungusan ng takbo ng ekonomiya ng bansa noong huling kwarter ng 2024 ang naitalang 5.2% economic growth noong ikatlong kwarter ng 2024, na inaasahang magdadala sa full-year growth na halos o higit pa sa 6%.

Tinukoy naman ng IMF ang domestic demand bilang isa sa mga factor para sa inaasahang pagbilis pa ng paglago ng ekonomiya ng bansa para ngayong 2025 at sa susunod na taon kabilang ang consumption at investment.

Kung saan susuportahan ang consumption growth ng mas mababang presyo ng mga pagkain at unti-unting pagluwag ng monetary policy.

Ayon pa sa IMF, inaasahan na makakabangon ang investment growth sa tuluy-tuloy na pagsusulong ng public investment, unti-unting pagbaba ng mga pagkakautang at pagdami sa ipinapatupad na public-private partnership projects at foreign direct investment kasunod ng kamakailang mga legislative reforms.

Samantala, inaasahan na ilalabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang opisyal na economic growth data para sa 4th quarter at sa buong taon ng 2024 sa Enero 30, 2025.