-- Advertisements --

Bumagal sa 5.2% ang takbo ng paglago ng ekonomiya ng Pilipinas noong ikatlong kwarter ng 2024 kumpara sa revised economic growth noong ikalawang kwarter na nasa 6.4%.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), pangunahing dahilan ng mas mabagal na paglago ng ekonomiya ng bansa noong ikatlong kwarter o mula Hulyo hanggang Setyembre ay ang epekto ng pagtama ng El Niño at magkakasunod na bagyo.

Nagdala ito ng 5.8% na paglago ng gross domestic product (GDP) ng bansa para sa unang 3 kwarter ng 2024, bagamat bahagyang mababa pa ito sa target ng pamahalaan na nasa 6% hanggang 7% para ngayong taon.

Paliwanag ni PSA chief USec. Dennis Mapa na nakapagtala ng pinakamataas na kontribusyon sa GDP o kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyo na na-produce sa naturang period ay ang service sector na nasa 4.1%

Samantala, ipinaliwanag naman ni National Economic Development Authority Secretary Arsenio Balisacan na ang pagbagal ng economic growth ay dahil sa contraction o pag-urong ng paglago sa sektor ng agrikultura dahil sa epekto ng El Niño phenomenon sa unang bahagi ng taon at magkakasaunod na bagyo at habagat na nagdulot ng pinsala sa sektor sa kalagitnaan ng taon.

Nakaapekto din ito sa sektor ng pangisdaan, aquaculture at livestock production gayundin sa mga aktibidad ng turismo kung saan nalimitahan ang travel at transport.

Samantala, sinabi din ng kalihim na kailangang mapalago ang ekonomiya ng bansa sa 6.5% sa huling kwarter ng taon para maabot ang target growth nito para sa 2024. Ilan aniya dito ay ang pagpapahupa ng inflation at interest rates sa bansa.

Kumpiyansa naman ang NEDA chief na maaabot ng bansa ang economic growth target nito para ngayong 2024 dahil sa inaasahang pagtaas ng holiday spending sa Christmas at New Year, mas stable na presyo ng mga bilihin, paglakas ng labor market at ang ginagawang recovery efforts sa mga lugar na tinamaan ng mga kalamidad na magpapalakas ng economic activity.