-- Advertisements --

Posible umanong humina ang ekonomiya ng bansa sa oras daw na taasan ng malaki ang minimum wage ng mga mambabatas.

Nangangamba si Negros Oriental Rep. Arnie Teves na mag-aalsa balutan ang maraming negosyante sa bansa sa oras na matuloy daw ang paglaki ng minmum wage ng mga manggagawa.

Pahayag ito ni Teves matapos na ihain ng Makabayan bloc ng Kamara ang House Bill 7787 na nagtatakda na gawing P750 ang national minimum wage sa bansa.

Gayunman, iginiit ng kongresista na naiintindhan daw niya ang sentimiyento ng mga manggagawa dahil na rin sa epekto ngayon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Samantala, pinasususpinde ni Teves ang excise tax sa langis.

Mungkahi ito ng kongresista sa gitna ng pag-alma ng ilang kapwa niya mambabatas at sektor sa lipunan dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo bunsod ng TRAIN Law.

Ayon kay Teves, ang mawawalang kita ng gobyerno sa pagsuspinde sa excise tax sa langis ay babawiin na lamang daw sa pagpapalakas naman ng kapasidad ng Bureau of Customs (BOC).

Maari aniyang pondohan ng P25 billion ang pagbili ng nasa 200 x-ray machines sa BOC.

Sa oras na maging epektibo raw ang programang ito ng nasabing ahensya, tiyak na magkakaroon ng dagdag na kita ang ahensya sa P140 billion.