Iniulat ng Philippine Statistics Authority na pumalo ang digital economy ng Pilipinas sa P2.05 trilyon noong 2023.
Ito ay katumbas ng 8.4 percent ng gross domestic product ng bansa.
Sumasalamin din ang bilang na ito sa 7.7 porsiyentong paglago mula sa P1.9 trilyon na naitala noong nakaraang taon.
Ang digital economy ay sumasaklaw sa isang spectrum ng mga digital na transaksyon, na siya namang sumasaklaw sa digital-enable na imprastraktura, e-commerce, digital media/content at mga government digital services, na idinagdag na bahagi upang masakop ang mga serbisyo ng gobyerno na direktang nauugnay sa pagsuporta sa digital economy.
Sa paghahati-hati sa mga bahagi ng digital na ekonomiya, ang digital-enable na imprastraktura ay bumubuo sa bulto ng digital economy na nagkakahalaga ng P1.7 trilyon.
Ang mga serbisyo sa telekomunikasyon, professional and business services, computer, electronic and optical products ay lumitaw bilang nangungunang tatlong nag-aambag sa kategoryang ito, na may shares na 32.9 porsyento, 30.1 porsiyento at 17.1 porsiyento.
Ang e-commerce ay umabot sa 14 % digital na economy, na sinusundan ng digital media/content sa 2.9 porsyento at mga digital services ng gobyerno sa 0.2 porsyento.
Sa usaping trabaho naman, ang digital na ekonomiya ay gumamit ng humigit-kumulang 9.68 milyong indibidwal noong 2023.
Nangibabaw rito ang e-commerce, na may 87.3 porsyento ng workforce share, na sinundan ng digital-enabling infrastructure, digital media/content and government digital services na may share na 11.5 porsiyento, 1.1 porsiyento at 0.1 porsiyento.