BAGUIO CITY – Posible umanong mag-collapse o humina ang ekonomiya ng bayan ng Itogon, Benguet kung permanenteng isasara at ihihinto ang pagmimina sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Itogon Mayor Victorio Palangdan, sinabi niya na 80% ng mga residente sa naturang bayan ay mga minero na inaasa ang kabuhayan sa pagmimina.
Maliban dito, iginiit ng alkalde na pagmimina ang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente sa kanilang bayan.
Sa kabila nito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpunta sa mga mining spot doon lalo na kung ito ay iligal.
Sinabi pa ng alkalde na habang hinihintay nila ang aplikasyon ng mga ito para sa Minahang Bayan ay kinakailangan umanong higpitan ang pagbabantay sa mga minahan doon.
Dagdag pa ng opisyal na ginagawa nila ang lahat para matulongan ang mga residente doon lalo na at marami sa mga minero ang apketado ng nararanasang global pandemic dahil pa rin sa COVID-19.