-- Advertisements --
KORONADAL CITY – Sinimulan na ng Department of Agriculture (DA) ang monitoring sa mga lugar sa bansa na labis na naaapektuhan ng El Niño.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Zaldy Boloron, chief of operations ng DA-Regional Office 12, na lumakad na ang technical team ng kagawaran para matukoy ang mga palayan sa rehiyon na apektado ng labis na tagtuyot.
Patuloy umanong biniberipika ng DA regional office ang mga datos para agad maisagawa ang cloud seeding.
Sa ngayon nanawagan ang opisyal sa mga magsasaka na makipagtulungan din sa DA para maiwasan ang pagkasayang ng mga itatanim na palay ngayong panahon ng tag-init sakaling maapektuhan ng El Niño.