KORONADAL CITY – Umabot na sa halos P110-milyon ang naitalang lugi sa mga pananim sa bayan ng Surallah, South Cotabato dahil sa nararanasang tagtuyot.
Ayon kay Surallah Municipal Disaster Risk Reduction and Management Action Officer Leonardo Ballon, nasa mahigit P100-milyon ang danyos sa pananim na mais galing sa 14 na barangay, at nasa halos P6.4-milyon naman ang iniwang lugi sa palayan galing sa 11 na barangay dahil sa El Niño phenomenon.
Inihayag din ni Ballon na anim na mga barangay sa kanilang bayan ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa dry spell at kinabibilangan ng Little Baguio, Canahay, Upper Sepaka, Buenavista, Moloy at Tubi-allah.
Maliban dito, nakakaranas din ng kakulangan sa suplay ng tubig ang mga barangay ng Veterans, Talahik, Lamian, Canahay, Tubi-alah at Little Baguio.
Kaugnay nito, posibleng irekomenda ng MDRRMC ng lokal na pamahalaan ang pagdeklara ng state of calamity sa buong bayan ng Surallah upang magamit na ang kanilang calamnity fund.
Sa ngayon, planong magpatuman ng food for work program ng ahensya upang matulungan ang mga apektadong mamamayan.