Nakatakdang maglunsad ng El Nino Portal ang pamahalaan sa lalong madaling panahon.
Ito ang inanunsyo ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa kaniyang naging pagbisita sa Camp O’Donnel sa Capas, Tarlac.
Ayon sa kalihim, mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mangunguna sa paglulunsad nito na bahagi ng layuning magpatupad ng “whole of government approach” sa pagtugon sa problemang dala ng El Nino.
Ito aniya ay isang komprehensibong pamamaraan din ng gobyerno para sa pagtugon sa epekto ng matinding tagtuyot na nararanasan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Aniya, ang “El Nino portal” ay magsisilbing mahalagang kasangkapan pagdating sa pangongolekta ng datos na kinakailangan upang matugunan ang nararanasang kakulangan sa suplay ng tubig sa ating bansa.
Samantala, kaugnay ay nagpapatuloy pa rin ang pagsusumikap ng pamahalaan upang matugunan at maabutan ng tulong ang marami sa ating mga kababayan na apekto ng El Nino partikular na ang mga magsasaka at mga mangingisda na maging anh kanilang mga kabuhayan ay lubhang napinsala nito.