Tinukoy ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga problemang El Niño, mabilis na paggalaw ng presyo, at pagnipis ng supply ng pagkain bilang pangunahing hamon sa sektor ng pagsasaka sa susunod na taon.
Ayon sa kalihim, ang mga naturang problema ang kailangang harapin ng mga magsasaka at mga food producers sa 2024.
Mayroon aniyang malaking misyon ang bansa sa susunod na taon at ito ay ang tugunan ang mga naturang problema.
Ayon pa sa kalihim, tutulungan ng DA ang mga magsasaka at magkasamang haharapin ang mga ito.
Malaki aniya ang maitutulong ng DA upang mapatatag ang presyuhan na mapapakinabangan kapwa ng mga magsasaka at mga consumer.
Dahil dito ay patuloy din ang apela ng kalihim sa publiko na tumulong sa pagpapatatag sa supply ng pagkain sa bansa, sa likod ng mga nabanggit na hamon.
Kailangan aniyang tumugon na rin ang mga mamamayan lalo na at ang iba pang mga bansa na laging nagsusupply ng mga pagkain sa mga bansang nangangailangan ay pinipili na ring mag-stockpile ng sarili nilang magagamit dahil sa El Niño at iba pang hamon sa panahon.
Inihalimbawa ng kalihim ang India na una nang nilimitahan ang volume ng bigas na ipinapa-angkat sa ibang bansa, upang masuportahan ang sarili nitong populasyon.