BACOLOD CITY – Iniiwasang puntahan na ng mga tao sa ngayon ang Cielo Vista Mall kung saan naganap ang isa sa deadliest mass shootings sa kasaysayan ng United States batay sa mga otoridad.
Sa ulat ni Star FM Bacolod international correspondent Sussane Gonzales, Filipina teacher sa El Paso, Texas, mistulang ghost town ang palibot ng nasabing mall dahil kakaunti lamang ang mga mamimili.
Maging ang ilan pang malalaking mall sa nasabing syudad ay iniiwasan ding puntahan ng mga tao dahil sa kumakalat na impormasyong may mga kasunod pang pamamaril na magaganap.
Patuloy pa umanong inaalam ng mga otoridad kung totoo nga ang pagbabantang kumakalat, pero naninigurado pa rin ang mga residente sa kanilang kaligtasan kaya mas pinili nilang manatili sa kani-kanilang bahay.
”Wala talagang tao, parang ghost town yong mall na in normal days ang dami-daming tao diyan. So yon ang effect, kahit saang mall ka magpunta ngayon dito” saad ni Gonzales.
Kung maalala 20 katao ang nasawi at 26 naman ang sugatan sa Walmart shopping center sa pamamaril ng suspect na si Patrick Crusius noong Sabado.