BACOLOD CITY – Umapela ang elected president ng Yanson Group of Bus Companies sa kanilang ina na resolbahin na ang problema sa kanilang pamilya.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Roy Yanson, emosyunal itong umapela sa kanyang ina na si Olivia na mamagitan na sa away nilang magkakapatid na nag-ugat sa pagpalit sa bunso na si Leo Rey bilang presidente.
Ayon kay Roy, hindi sila ipinatawag ng kanilang ina upang kausapin, kundi sa Ceres terminals lamang nagkikita at covered pa ng media kung saan pinapagalitan ito ni Mrs. Yanson dahil sa tangkang pag-takeover.
Giit nito, ang kanilang ina sana ang magsisilbing referee sa kanilang magkakapatid ngunit bigo itong gampanan ang kanyang tungkulin dahil mayroon daw itong “favoritism” sa kanilang bunso na si Leo Rey.
Aniya, kahit korte ay hindi makakaresolba sa kanilang away kundi ang masinsinang pag-uusap nilang magkakapatid.
Pero bukas naman ito kung ipapatawag sila ni Mrs. Yanson anumang oras.
Kung si Roy nga raw ang tatanungin, nais daw nito na magkaayos na silang magkapatid sa mas madaling panahon upang hindi na umasa sa desisyon ng korte.
Kasabay nito, inamin ni Roy na nag-referee na rin sa kanilang away si Pangulong Rodrigo Duterte ngunit hindi umubra.
Ilang beses ding pumunta sa Bacolod si Duterte kung saan nagtipon ang anim na magkakapatid upang sila ay kausapin ngunit walang nagawa ang pangulo.
Napag-alaman na magkaibigan sina Duterte at ang yumaong Yanson patriarch na si Ricardo Sr., kaya malapit ang pamilya sa punong ehekutibo.