-- Advertisements --

Nakatakdang hilingin ng pamunuan ng Department of Agriculture sa Commission on Elections na ma-exempt sa election ban ang bentahan ng NFA rice sa mga lokal na pamahalaan sa buong bansa.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., magsusumite sila ng liham sa poll body bilang abiso sa pagsisimula ng naturang programa.

Ang bentahan ng NFA rice sa mga LGU ay kasunod ng deklarasyon ng Food Security Emergency.

Layon rin ng magiging request ng DA sa komisyon na hikayatin ito na makilahok sa pagpapatupad ng programa.

Batay sa datos, aabot sa 67 LGUs ang nagpaabot ng interes na makapagbenta ng NFA rice sa kanilang mga nasasakupan.

Tiniyak naman ng DA na hindi magagamit sa pulitika ang naturang programa.

Layon lamang nito na maiabot sa mga Pilipino ang mura at abot kayang bigas para sa lahat.