VIGAN CITY – Tiniyak ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) na isasapubliko ng Commission on Elections (Comelec) ang election data log mula sa transparency server para matugunan ang iba’t ibang concerns kasunod ng halos pitong oras na delay sa pag-display ng electronically transmitted results noong May 13.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni LENTE Executive Director Atty. Ona Caritos na ito ang kauna-unahang pagkakataon na maglalabas ang Comelec ng election data log o error logs.
Naniniwala si Caritos na napipilitan na sa ngayon ang Comelec na maglabas ng mga logs upang mapanatili ang tiwala ng mga tao sa sistemang ginagamit sa halalan.
Samantala, ipinaliwanag naman din nito na hindi tumigil ang pagpapadala ng election data sa transparency server ng Comelec noong Lunes ng gabi.
Nagkaroon lamang aniya ng “traffic†sa mga data na ito kaya hindi kaagad nag-update at tumagal ng halos pitong oras ang nasabing delay.
Gayunman, hinikayat ni Caritos ang Comelec na maging transparent sa mga problemang naranasan noong halalan upang sa gayon ay malaman ng taumbayan ang buong katotohanan.
Samantala, sinabi naman nito na maglalabas din sila ng sarili nilang assessment hinggil sa kakatapos lamang na halalan.