ILOILO CITY – Umaabot sa 44 na mga lugar sa Western Visayas ang napasama sa election hot spot.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Lt. Col. Arnel Solis, spokesperson ng Police Regional Office, sinabi nito na sa nasabing bilang, anim ang naitala sa Antique, 19 sa Negros Occidental, apat sa Capiz, isa sa Aklan at 14 sa Iloilo Province.
Ayon kay Solis, magagamit ang listahang ito para matukoy ang deployment ng mga pulis upang mapigilan ang anumang insidente ng karahasan na may kinalaman sa nalalapit na halalan.
Ibig sabihin ay nangangailangan ang mga lugar na ito ng mahigpit na pagtutok ng pulisya dahil sa mga naitatalang kaso ng election-related violence at presensiya ng armed groups.
Apat na klasipikasyon ang election hotspot: ito ay ang Green kung saan tahimik at walang naitatalang karahasan ang lugar; Yellow na mayroong history ng election violence; Orange kapag may presensya ng private armed groups at may intense political rivalry; at Red na kumbinasyon ng yellow at orange classifications.