LEGAZPI CITY- Kwenistiyon ng election watchdog na Kontra Daya ang legalidad ng isinusulong sa Kongreso na pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda ng isagawa sa Disyembre 5.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Kontra Daya Convenor Danilo Arao, malinaw na salungat sa konstitusyon ang posibleng muling pagpapaliban ng eleksyon lalo pa’t nakasaad sa batas na dapat itong gawin bawat tatlong taon.
Pinangangambahan ng grupo na sakaling hindi matuloy ang eleksyon ngayong taon, malaki ang posibilidad na muli na naman itong masuspendi sa 2023 at sa mga susunod pang taon.
Kung kakulangan umano sa pondo ang dahilan sa pagsuspendi ng eleksyon, marami naman ang mapagkukunan ng budget kabilang na ang estate tax ng isang mayamang pamilya na nagkakahalaga ng P203 bilyon.
Panawagan naman nito sa Commission on Elections na manindigan rin sa pagsasagawa ng eleksyon na isa sa pinaka-importanteng karapatan ng bawat Pilipino.