Ipinaliwanag ng isang election watchdog na pinairal ng Commission on Elections (Comelec) ang due diligence o proseso ng pagkolekta at pag-assess ng lahat ng legal documents at impormasyon kaugnay sa target company.
Ito ay matapos ngang igawad ng poll body ang vote counting machine contract para sa 2025 midterm elections sa South Korean firm na Miru Systems kahapon sa gitna ng mga isyu na bumabalot sa naturang kompaniya kabilang na ang isyu sa performance nito sa halalan sa ibang bansa kung saan ito nagooperate.
Ayon kay National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel) secretary-general Eric Jude Alvia na inungkat ng technical committee and observers ang mga isyu laban sa Miru na siniyasat naman ng poll body.
Napag-alaman naman ng Comelec mula sa election management bodies ng mga bansa kung saan nagooperate ang Miru, lumabas na hindi naman totoo ang mga alegasyon laban sa naturang kompaniya.
Una na ring itinanggi ng kompaniyang Miru ang alegasyon ng election failures sa Iraq at Democratic Republic of Congo bunsod umano ng paggamit ng kanilang teknolohiya.
Samantala, ang naturang kontrata sa Miru ay nagkakahalaga ng P17.9 billion na kinabibilangan ng 110,000 automated counting machines, 104,345 ballot boxes, 2,200 CCS server/laptops at printer at ballot printing, ballot paper na nagkakahalaga ng 73,881,894 at ballot verification.