Hinamon ng kampo ni Vice Pres. Leni Robredo ang Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) na huwag ng iantala at isapubliko na ang resulta ng ginawang manual recount sa mga balota nila ni dating Sen. Bongbong Marcos.
Ito’y sa gitna ng mga lumulutang na ulat hinggil sa umano’y napagkasunduan ng desisyon ng mga mahistrado.
Nitong araw nang muling ipagpaliban ng Korte Suprema ang paglalabas ng desisyon at ni-reschedule sa October 15, araw ng Martes.
Limang linggo ang nakalipas mula nang magtapos ang PET sa manual recount ng mga balota ng tatlong pilot provinces.
“Hindi mo maiiwasan na lumabas na iyong balita, andiyan na ‘yung report, nagsubmit ng draft decision si Justice (Benjamin) Caguiao. Why the delay?,” ani Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo.
Aminado ang tagapagsalita na wala sa 2010 PET rules ang paglalabas ng official copy ng resulta bago ianunsyo ang desisyon. Pero humirit na raw ang kampo nila sa korte para makita nila ang hatol bago pa ito isapubliko.
“The easiest way and best way to actually dispel any of these rumors, hindi naman damaging sa amin kundi sa PET (not damaging to us but to the PET) and in the process itself, is to come out with the report and make it public to have a general idea where we are going with this.”
“If we can get an offical copy of the report, that would go a long way towards understanding the direction of the decision. We hope the PET will act expeditiously.”
Una ng dumepensa si Chief Justice Lucas Bersamin laban sa ulat na nakahanda na ang 8-6 ruling ng mga mahistrado pabor kay Marcos.
Ngayong gabi tutulak patungong Australia ang bise presidente pero tiniyak ng kampo nito na mananatili itong nakatutok sa nakatakdang paglalabas ng PET sa resulta ng electoral protest ni Marcos.
“She is leaving for Australia this evening, she will be back on Saturday. She will be meeting with several Filipino communities while she is there, the highlight of the trip will be a speech before ‘yong Australia-Philippines Business Council,” ani Gutierrez.