Nagpahayag ng suporta ang Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP) sa pagbibigay ng mga insentibo para sa mga electric motorcycles pati na ang lokal na produksyon nito.
Sa isang pahayag, sinabi ni Electric Vehicle Association of the Philippines President Edmund Araga na ang pagbibigay ng mga insentibo sa mga e-motorcycle ay malugod na tinatanggap dahil makakatulong ito sa electrification ng transportasyon sa bansa.
Ginawa ni Araga ang tugon nang tanungin hinggil sa pahayag ng Department of Trade and Industry na nagsasabing hiniling ng kanilang grupo na panatilihin ang taripa para sa mga e-jeepney at e-tricycle.
Pinagtibay niya ang kanilang kahilingan ngunit binanggit na ang mga e-motorcycles ay hindi kasama sa kanilang kahilingan na panatilihin ang taripa dahil wala pang mga local producer ng mga ito.
Kung matatandaan, ang gobyerno ng Pilipinas noong Enero ay naglabas ng Executive Order No. 12 series of 2023, na nagbibigay sa mga electric vehicles ng tax break para sa susunod na limang taon na hindi kasama ang mga e-motorcycle dahil napapailalim pa rin ang mga ito sa 30% na tariff rate.
Una nang sinabi ni Araga na sinusuportahan din niya ang hakbang na ito dahil ang mga motorsiklo ang pangunahing pagpipilian ng transportasyon ng mga Pilipino dahil mas abot-kaya ang mga ito kaysa sa mga sasakyang may apat na gulong.