-- Advertisements --

Sinisilip din ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang anggulong electrical problem sa nangyaring pagkasunog ng sikat na amusement park na Star City sa lungsod ng Pasay.

Ito’y maliban pa sa anggulong arson o sadyang panununog na una nang lumutang na posibleng rason sa insidente.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Pasay City Fire Marshall Supt. Paul Pili na sa kanilang inisyal na imbestigasyon posible raw na nagmula ang apoy sa stockroom kung saan naroon ang mga stuffed toys at iba pang mga light materials.

Nakapagtataka rin aniya na sabay-sabay na nangyari ang pagsiklab ng apoy sa magkakaibang bahagi ng Star City.

Samantala, target umano ng pamunuan ng Star City na buksan muli sa Oktubre ng susunod na taon ang naturang amusement park.

Ayon kay Star City spokesperson Rudolph Jularbal, kailangan daw itong gawin dahil matagal na panahon ang gugugulin sa importation ng mga rides, maging ang muling pagsasaayos sa parke.

Sa ngayon ay kasalukuyan pang inaapula ng mga bumbero ang apoy sa likurang bahagi ng nasunog ding mga establisyimento malapit sa Star City.

Sa pagtataya ng mga otoridad ay nasa 80 hanggang 90% ang natupok sa sunog na sumiklab kaninang madaling araw.