LEGAZPI CITY – Nakatakdang bumili ng mga mosquito nets ang lokal na pamahalaan ng Daraga bilang panglaban sa tumataas na kaso ng dengue sa bayan.
Maaalalang dahil sa patuloy na paglobo ng dengue cases sa naturang bayan ay isinailalim na ito sa state of calamity.
Ayon kay Mayor Victor Perete sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ikakabit ang naturang mga mosquito nets sa bintana ng lahat ng paaralan sa elementarya upang maprotektahan ang mga mag-aaral.
Paliwanag ng opisyal, ang mga batang nasa edad 15 taong gulang pababa ang kadalasang tinatamaan ng naturang sakit na nakukuha sa kagat ng lamok.
Bibigyan aniya ng prayoridad ang mga paaralan sa mga barangay na may mataas na kaso ng dengue.
Samantala, siniguro naman ni Perete na hindi makaka apekto sa pasok ng mga mag-aaral ang pagkakabit ng naturang mga nets.
Nabatid na nakapagtala na ng dalawang casualty sa naturang bayan habang may ilang pasyente pa ang patuloy na mino-monitor sa ospital.