Inilagay na ngayon ng Philippine National Police sa highest alert status ang lahat ng elite forces nito ngayong Holiday Season.
Ito ay bilang bahagi pa rin ng mas mahigpit na seguridad na ipinapatupad ng pambansang pulisya para sa nalalapit na pagdiriwang sa araw ng Kapaskuhan at Bagong Taon sa bansa.
Ayon kay Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., sa ngayon ay nakaalerto na ang Special Action Force at lahat ng 17 Regional Mobile Force Battalions ng pambansang pulisya bilang paghahanda sa anumang posibleng tactical engagements at harassments na pwedeng gawin ng Communist Party of the Philippines laban sa gobyerno sa kanilang pagdiriwang ng ika-54 na anibersaryo nito sa darating na Disyembre 26.
Inihayag ito ni Azurin sa ginanap na PNP Command Conference ng pulisya na dinaluhan din ng ilang matataas na opisyal ng buong hanay ng kapulisan.
Bukod dito ay tinalakay din sa nasabing conference ang ilang update sa sitwasyon ng seguridad, threat assessment, national crime situation, at anti-crime efforts and deployment ng mga otoridad ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Samantala, sa bukod naman na pahayag ay muling nagpapaalala si Azurin sa lahat ng mga pulis na panatilihin ang police visibility sa lahat ng pagkakataon upang mas maramdaman pa ng taumbayan ang mas ligtas na Pasko at Bagong taon.