Kinumpirma ng aktor na si Niño Muhlach na pumanaw na ang beteranang aktres na si Ms. Amalia Fuentes kaninang alas-4:00 ng madaling araw.
Ayon kay Muhlach binawian ng buhay ang kanyang tita sa St. Luke’s Medical Center sa BGC Taguig City dahil sa multiple organ failure. Siya ay edad 79 na.
Narito ang social media posts nina Niño at apo na si Alyanna Martinez:
Niño Muhlach
“Rest in Peace Tita Nena We will miss you!”
Alyanna Martinez
“It is with great sadness that I together with my siblings Alfonso and Alissa, inform you that our Grandmother, Amalia Amador Muhlach has taken her last breath this morning in the Philippines.”
Kuwento naman ni Niño, nasa tabi umano sila na malalapit na kaanak nang mamatay ang kanyang Tita Amalia.
Una rito isinugod si Ms. Fuentes sa ospital, apat na araw na ang nakakalipas dahil nakakaranas umano ng seizures.
Apat na taon na ang nakakalipas ay inatake umano ito sa puso habang nagbabakasyon sa South Korea kung saan na-paralize at mula noon ay bedridden na.
Sa ngayon nakatakdang mag-anunsiyo ang pamilya ng mga detalye kaugnay sa burol nito.
Noong kasikatan ni Amalia Fuentes ay binansagan siyang “Elizabeth Taylor of the Philippines” at itinuring noon na isa sa “most beautiful face of the Philippine cinema.”
Siya rin ang unang tinaguriang “Filipino Lux Soap model.”
Si Amalia ay ipinanganak sa Naga City noong August 27, 1940 at ang mister niya ay si Romeo Vasquez.
Kapatid naman nito sina Alvaro Muhlach (ama ni Aga) at Alexander Muhlach.
Ang mga naging anak ni Amalia ay sina Liezel Martinez at Geric Stevens.
Matapos ang divorce kay Vasquez ay naging asawa niya si Joey Stevens, isang American businessman kung saan meron silang adopted son na si Geric.
Nakipag-divorce siya kay Stevens makaraan ang 28 years of marriage.
Si Fuentes na dating miyembro ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ay naging bahagi sa umaabot na sa 130 mga pelikula.
Naging producer din siya at gumanap sa sariling pelikula noong dekada ’60 hanggang dekada ’70.
Kabilang na ang productions ng Viva Films na “My Only Love” kasama sina Sharon Cuneta, Gabby Concepcion at Jackie Lou Blanco.
Naging tampok din siya sa Regal Films na “Asawa Ko Huwag Mong Agawin” na ang bida ay si Vilma Santos, Eddie Guttierrez at Gabby Concepcion.
Tinanghal naman siya noong 1967 bilang Best Actress sa FAMAS Award sa pelikulang “Whisper to the Wind” (1966).
Ilan pa sa kanyang mga naging pelikula ay ang mga sumusunod, Dirty Games (1981), My Only Love (1982), Indecent Exposure (1983), Paano Ba Ang Magmahal? (1984), Asawa Ko Huwag Mong Agawin (1987), Higit Na Matimbang Ang Dugo (1990), Reputasyon (1996), Kahit Isang Saglit (2008), Huwag Ka Lang Mawawala (2013) at marami pang iba.
Samantala kagabi lamang ng Biyernes ay pumanaw din ang isa pang beteranong aktor na si Tony Mabesa, 84.