Isinasapinal pa nina Derek Ramsay at Ellen Adarna ang mga detalye para sa nakatakdang pag-iisang dibdib.
Ayon sa 33-year-old bride to be, nag-uusap pa lamang sila ng 44-year-old Fil-British actor pero ngayong taon nila target maikasal.
Ngayong araw ay eksakto isang linggo na mula nang gulatin ni Ramsay ang fans at mga kritiko nang mag-propose kay Adarna.
Para sa sexy actress, hanggang ngayon ay hindi niya akalain na aalukin siya ng kasal ni Derek bagama’t inasahan na ang isang birthday surprise para sa kanya.
“I never planned. I never wanted to get married. Honestly, my elementary friends, my high school friends are messaging me na ‘oh my God I can’t believe you’re getting married. High school pa lang ayaw mo na magpakasal,” saad nito sa online interview ng Live With G3.
Dagdag nito, “When he asked me to marry him, I forgot that I was supposed to say yes. Parang automatic na understood na yes na yun. Then his sister asked, ‘Huy what’s your answer?’ and then dun na ako sumagot.”
Una rito, makikita sa engagement photos ang pagiging emosyonal ni Adarna nang suot na ang singsing, gayundin habang kasama na ang two year old son ni Ellen sa ex-boyfriend na si John Lloyd Cruz, at ang binatilyo nang anak ni Derek sa ex-wife.
Ngunit kung may mga pagbati, hindi rin nakatakas ang soon to be husband and wife sa mga pagkwestyon ng ilang kritiko lalo’t dalawang buwan pa lamang sila bilang magkasintahan.
May mga nagpustahan pa sa comments section kung hanggang kailan tatagal ang “smooth sailing stage ng kanilang relasyon,” dahil kilala raw si Ramsay sa papalit-palit ng girlfriend.
Bago kasi kay Ellen, huling naka-relashon nito ang naka-love team na si Andrea Torres, at ang iba pa mula sa showbiz na sina Cristine Reyes, Solenn Heussaff, at longtime relationships sa aktres na si Angelica Panganiban gayundin sa wellness speaker na si Joanne Villablanca.
Napag-alaman na pinili ni Ellen na lumipat sa bahay ni Ramsay sa halip na bumalik ito sa kanyang home town sa Cebu.