-- Advertisements --

DAVAO CITY – Hindi pinalampas ng ilan sa mga tinitingalang sports icons ng Pilipinas ang pagkakataon para ibahagi ang kanilang kaalaman sa mga atletang lalahok sa Palarong Pambansa 2019 sa lungsod ng Davao.


Sa ginanap na Sports Heroes Day na bahagi ng mga programa sa unang araw ng Palaro, kabilang sa mga nakipaghalubilo at nakipagsabayan pa sa mga atleta sina “long jump queen” Elma Muros-Posadas; Lady Chess Grandmaster Janelle May Frayna na pinagsabay-sabay labanan ang anim na mga student athletes; at ang tinaguriang “Pambansang Pingpongero” at Southeast Asian (SEA) Games medalist na si Richard Gonzales.

Nagbigay din ng inspirational words sa mga atleta sina Olympian boxer Mansueto “Onyok” Velasco, world pool champion na si Rubilen Amit, at SEA Games gold medalist Reyland Capellan ng gymnastics.


Kaugnay nito, isinagawa rin nitong Sabado ang Larong Pinoy sa gymnasium ng Davao City National High School kung saan ang mga opisyal ng Department of Education (DepEd) at iba pang mga ahensya ng gobyerno ang naglaro imbis na mga student-athletes.


Ilan sa kanilang mga nilaro ay ang tradisyunal na mga larong Pinoy gaya ng kadang-kadang, sack race, hilahang lubid, at patintero.

Sa kanya namang mensahe, binigyang-diin ni DepEd Sec. Leonor Briones ang kahalagahan ng ganitong mga aktibidad lalo na’t nalilimutan na umano ng ilang mga kabataan ang mayamang kultura ng mga Pilipino.


Una nang sinabi ni DepEd undersecretary at Palaro 2019 secretary-general Revsee Escobedo sa panayam ng Bombo Radyo na nais nilang ipakita sa nasabing programa ang nakagawian ng mga kabataang Pinoy noong nakalipas na panahon.