Binuweltahan ni Sir Elton John ang pasya ng isang Russian film company na alisin ang gay sex scenes sa bago nitong biopic na “Rocketman.”
Una rito, sa paliwanag na inilabas ng local film distributor, tinanggal daw nila ang nasabing mga eksena sa pelikula sang-ayon sa nakasaad sa mga batas sa Russia.
Sa pahayag ng British singer, mariin nitong inaalmahan ang ginawang censorship ng film company.
Inilarawan pa ni John na ang censorship na ginawa sa “Rocketman” ay isang “malungkot na repleksyon” sa hati-hating mundong ating ginagalawan na hindi pa umano tuluyang matanggap ang pagmamahalan ng dalawang taong magkapareho ang kasarian.
“We believe in building bridges and open dialogue, and will continue to push for the breaking down of barriers until all people are heard equally across the world,” pahayag ni John.
Tampok sa Rocketman ang buhay at pag-akyat sa tugatog ng tagumpay ng kilalang musikero.
Kasama sa pelikula ang sex scene ng dalawang lalaki, at ang litrato ni Sir Elton kasama ang kanyang kabiyak.
Ipapalabas sa Russia ang Rocketman sa darating na Huwebes. (BBC)