Nangako ang Iranian Embassy sa Manila na tutulong sa Pilipinas sa hiling nito na pakawalan ang binihag na 18 Pilipinong seaferer lulan ng oil tanker na inatake ng Iran sa Gulf of Oman ngayong linggo ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Kaugnay pa nito, sinabi ni DFA USec. for Migrant Workers Affairs Eduardo Jose de Vega na nakikipag-ugnayan na sila sa gobyerno ng Iran at inaalam na ang kalagayan ng 18 seaferers.
Nakaabang din ang DFA sa official report na magmumula sa embahada ng Pilipinas na nakabase sa Iran.
Kayat wala pang indikasyon sa ngayon na sinaktan o minaltrato ang mga dinukot na Pilipino.
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng Department of Migrant Workers (DMW) sa mga pamilya ng 18 seaferers para sa paghahatid ng kaukulang tulong.
Una rito, inatake ng Iran noong Huwebes ang Marshall Islands-flagged oil tanker na ST Nikolas sa Gulf of Oman habang naglalayag ang barko sa pagitan ng Iraqi port ng Basra at Turkey bilang ganti umano sa ginawa ng US na pagkumpiska sa kanilang crude oil.
Noong 2023 nang kumpiskahin ng Estados Unidos ang mahigit 980,000 bariles ng crude oil ng Iran na lulan ng naturang oil tanker bilang bahagi ng sanction enforcement operation.