Nagpadala na ang Embahada ng Pilipinas sa Myanmar ng team para tumulong sa paghahanap sa 4 na Pilipinong napaulat na nawawala sa siyudad ng Mandalay na malapit sa episentro ng tumamang magnitude 7.7 na lindol.
Ayon kay Angelito Nayan, chargè d’affaires ng Embahada ng Pilipinas sa Myanmar, nasa biyahe na ang naturang team na binubuo ng 5 miyembro kabilang ang vice consul at defense attache.
Bumiyahe by land ang grupo at inaasahang magtatagal ng 15 oras ang kanilang biyahe bago marating ang lugar.
Bitbit din ng grupo ang mga suplay na ibibigay sa mga Pilipinong apektado ng lindol sa Mandalay.
Binigyang diin naman ng PH Embassy official ang kahalagahan ng pagsasagawa ng ground assessments at pagsuri sa kapakanan ng Filipino community sa mga tinamaan ng lindol.
Ayon kay Nayan, mayroong mahigit 170 na Pilipinong guro ang nasa Mandalay at ilan sa kanila ang maaaring hindi nakabalik ng kanilang bahay nang tumama ang lindol.
Samantala, ibinahagi din nito na nalaman nila na nawawala ang 4 na Pilipino sa pamamagitan ng area coordinators na pawang mga guro na nakabase sa Mandalay. Subalit nilinaw ng opisyal na hindi nila makumpirma pa sa ngayon ang pagkakakilanlan o mga pangalan ng 4 na Pilipinong unaccounted.
Hindi rin aniya matatawag ang mga itong missing o casualties dahil wala pang impormasyong ibinibigay sa ngayon.
Sa katunayan, wala pa aniyang inilalabas ang Myanmar rescue team na anumang pangalan ng mga biktima sa mapaminsalang lindol.
Sa ngayon, nakumpirmang nasa ligtas ng kalagayan ang 123 mula sa 171 na rehistradong Pilipino sa Mandalay, 32 ay isinasailalim pa sa verification, 12 ay kasalukuyang wala sa Myanmar habang ang 4 ay nananatiling unaccounted.