-- Advertisements --

Nakikipag-ugnayan na ang composite team ng Philippine Embassy sa Yangon, Myanmar sa local officials para sa pagkumpirma ng pagkakakilanlan ng mga nasagip o narekober na mga dayuhan mula sa gumuhong Sky Villa Building matapos ang pagtama ng magnitude 7.7 na lindol noong Biyernes, Marso 28.

Sa isang statement, sinabi ng Embahada na nakipagkita ang PH composite team sa mga opisyal na nangangasiwa sa search and rescue operations sa site gayundin sa mga opisyal ng Mandalay General Hospital.

Subalit sa ngayon, hindi pa natutukoy ang mga nasagip o narekober na bangkay may kinalaman sa 4 na Pilipinong pinaniniwalaang nasa gumuhong gusali.

Nakipagkita din ang grupo sa iba pang 11 Pilipinong survivor mula sa gumuhong gusali para makakalap pa ng mas maraming impormasyon.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng Embahada sa mga awtoridad doon at ginagawa ang lahat ng paraan para matiyak ang ligtas na kalagayan ng mga Pilipino.

Nauna na ngang dumating ang composite team ng Embahada nitong gabi ng Lunes sa Mandalay, malapit sa episentro ng lindol para tumulong sa paghahanap sa nawawalang apat na Pilipino.

Pinapayuhan naman ng Embahada ang mga Pilipino sa Mandalay na maaari silang tumawag sa Assistance to Nationals (ATN) hotline na +95998521 para mabigyan ng kaukulang tulong o makipag-ugnayan sa mga Filipino coordinators.