-- Advertisements --

Iniulat ng Embahada ng Pilipinas sa Washington D.C. na walang Pilipino ang nadamay sa nangyaring salpukan ng isang pampasaherong eroplano mula kansas sa US Army helicopter habang nasa himpapawid malapit sa Reagan National Airport sa Washington, D.C nitong gabi ng Miyerkules, oras sa Amerika.

Sa inilabas na statement ng Embahada, maigting na aniya itong naka-monitor sa naturang insidente.

Kasalukuyan na rin aniyang nagsasagawa ng search at rescue operations ang mga awtoridad doon.

Kinumpirma din aniya ng White House ang pagsalpok ng military helicopter sa commercial jet.

Una rito, iniulat ng mga opisyal sa US ang salpukan ng American Airlines regional passenger jet na may lulang 60 pasahero at 4 na crew members at US Army Black Hawk helicopter na may lulang 3 sundalo habang nasa himpapawid at bumagsak sa may Potomac River.

Puspusan naman ang isinasagawang search and rescue operations sa pinangyarihan ng insidente.

Sinabi naman ni Senator Ted Cruz ng Texas na mayroong mga nasawi sa insidente subalit hindi pa nito binanggit kung ilan ang fatalities.