KALIBO, Aklan—Inirereklamo ngayon ng mga Overseas Filipino Workers o OFW’s sa bansang Sudan ang sistema ng embahada ng Pilipinas sa komunikasyon pagdating sa nakatakda nilang paglikas.
Ayon kay Bombo International Correspondent Bernard Comia ng Khartoum, Sudan na nakakademoralize ang sagot sa kanila ng embahada kung saan, maliban sa inabusahan ang mga ito na manatili sa mga indoor places ay sinabihan pa umano silang maghanap ng bus na masakyan papuntang port of Sudan.
Mismong si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) chief Arnell Ignacio ang kanilang nakausap na imposible aniya nilang magawa dahil sa hirap ng kanilang sitwasyon.
Hindi aniya sila makagalaw dahil sa maliban na wala silang tulog sa gabi ay hirap na rin silang makahanap ng pagkain dahil nawalan na ang mga ito ng trabaho at halos lahat ng mga establisyimento ay sarado na.
Talamak na rin aniya ang mga nakawan kung saan, kaliwa’t kanan ang mga bahay na pinapasok ng mga armadong kalalakihan kung kaya’t doble ang kanilang pagbabantay.
Dagdag pa ni Comia na nabalot na sila ng takot dahil kasa-kasama nila ang kani-kanilang pamilya at mga maliliit na mga anak.
Apela nila sa gobyerno ng Pilipinas na bilisan at madaliin ang proseso sa pagpapalikas sa kanila sa mas ligtas na lugar.
Si Comia ay nasa 18 taon nang naninirahan sa nasabing bansa.