-- Advertisements --

Nagbigay ng consular assistance ang Embahada ng Pilipinas sa The Hague kay dating Pangulong Rodrigo Duterte pagdating niya sa Rotterdam Airport.

Ayon sa Philippine Embassy sa The Netherlands, na pagdating ng eroplanong sinakyan ng dating pangulo na RP-C5219 ay tumulong agad sila base na rin sa utos ng Department of Foreign Affairs sa bansa.

Dahil sa panahon ng tag-lamig sa Europa ay nagbigay ang Embahada ng mga damit na pang-winter at ilang mga care packages.

Binigyan naman nila ng dalawang araw na visa ang nurse at aide ng dating pangulo para makapagpahinga bago ang kanilang flight pabalik sa Pilipinas.

Habang si dating Executive Secretary Salvador Medialdea ay nabigyan ng 15-araw na visa bilang tumatayong abogado ng dating Pangulo kung saan pinayagan itong bisitahin ang pangulo sa ICC Detention center sa Scheveningen, The Hague.

Nakiusap rin ang Embahada sa mga ICC officials at sa Netherlands Ministry of Foreign Affairs officials na dapat ay bantaya ang medical at physical condition ng dating pangulo.

Pagdating ng kampo ng dating pangulo ay kinausap ng ICC nurse ang kasamang nurse ni Duterte para makuha ang kondisyon ng kalusugan ni Duterte.

Sumailalim naman sa medical check-up ang dating pangulo pagpasok nito sa ICC Detention Center.

Ibinigay din ng mga ICC officials sa dating pangulo ang mga pangalan at contac numbers ng mga opisyal ng Embahada sakaling kailangan nila ng tulong.

Nagsagawa naman ng pagtitipon ang mga pro at anti Duterte sa labas ng ICC Dentention pagdating ng dating pangulo.