-- Advertisements --

Iniulat ng Embahada ng Pilipinas sa Yangon, Myanmar at Thailand na walang mga Pilipinong nasaktan sa tumamang magnitude 7.7 na lindol sa Myanmar na naramdaman din sa Bangkok, Thailand.

Ayon sa Embahada ng Yangon, maigting silang nakasubaybay sa kaganapan doon at base sa reports walang napaulat na anumang pinsala o nasawi mula sa tinatayang 811 rehistradong Pilipino na naninirahan at nagtratrabaho sa Myanmar.

Batay naman sa Embahada ng Pilipinas sa Thailand, wala din silang natanggap na anumang reports ng mga Pilipinong nasaktan o apektado ng malakas na pagyanig.

Sa kabila nito, pinapayuhan ng Embahada ang mga Pilipino sa Thailand na manatiling kalmado at alerto gayundin i-monitor ang updates mula sa mga mapagkakatiwalaan at kumpirmadong sources ng impormasyon.

Nitong hapon ng Biyernes, tumama ang 7.7 magnitude na lindol at may lalim na 10 kilometro na sinundan ng may kalakasan ding aftershock, base sa US Geological Survey (USGS).

Ang episentro ng lindol ay nasa 17.2 km mula sa ikalawang pinakamalaking siyudad ng Myanmar na Mandalay na may 1.5 milyong populasyon.